Sinuspinde ng Commission on Elections (COMELEC) ang implementasyon ng mga programang ayuda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na may kabuuang halagang P273.2 milyon, matapos ang reklamong inihain ng grupong Progressive Allied Batangueños (PAB) kaugnay ng posibleng paglabag sa election spending ban.
Sa isang en banc hearing noong Abril 21, 2025, binawi ng COMELEC ang naunang ipinagkaloob na exemption para sa mga programa ng lalawigan na pinangungunahan ni Governor Hermilando I. Mandanas, na ngayon ay tumatakbo bilang Bise-Gobernador ng Batangas.
Giit ng PAB, maaaring gamitin ang naturang mga ayuda bilang impluwensya sa mga botante, bagay na labag sa Section 261 (v) ng Omnibus Election Code.



Kabilang sa mga apektadong programa ay ang P16.7 milyon – Aid to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Cash for Work; P23 milyon – Emergency Assistance Service mula sa 20% Development Fund; P150,000 – Job Fair; P800,000 – Employment Assistance; P32.4 milyon – Youth sports activities; P10 milyon – Cash for Work at hot meals para sa mga nasalanta ng kalamidad at P190 milyon – Scholarship at Educational Assistance
Isa sa agarang naapektuhan ay ang pamamahagi ng scholarship assistance sa mga estudyante, partikular sa Batangas Province Science High School, na natigil noong Abril 23.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Provincial Government nitong Miyerkulesm April 23, nasimulan ang payout base sa exemption na inilabas ng COMELEC noong Abril 7. Ngunit bandang alas-10 ng umaga, natanggap ng Office of the Governor ang bagong kautusan mula sa COMELEC na binabawi ang nasabing pahintulot, kaya’t agad itong ipinatigil na ikinadismaya ng mga estudyante at magulang.

“Kawawa ung mga bata kanina na di nakakuha, pamasahe lang hawak nila dpa nakakain kasi umasa sila na may makakakuha sila scholarship tiniis po ang gutom..ay ang layo pa naman ng uuwian ng mga bata ..umasa sila na may pambayad sa kailangan sa paaralan at pambayad sa Dorm nila…tapos ganun biglaan ang pag papatigil ng payout .sus ko po akoy naiiyak sa sitwasyon ng mga bata kanina,” saad Lizel Jhayzhelle Manalo sa naturang post ng Batangas PIO.
Inatasan na ng COMELEC ang kanilang Law Department na magsagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon. Ayon sa resolusyon, ang hakbang na ito ay para mapanatili ang integridad ng halalan at maiwasan ang paggamit ng pondo ng gobyerno bilang paraan ng pamimili ng boto.
Samantala, kumalat naman sa social media ang isang video tungkol sa isang staff ng kapitolyo na umano’y kumukuha ng bahagi ng ayuda ng mga estudyante matapos matanggap.
Paliwanag ng opisina, at sa Facebook post ni Merlita Pasatiempo, “Dahilan po sa hindi nakarating ang catering service provider at sinuman sa mga guro ng Batangas Province Science High School (BPSHS) ng mga oras ng payout kaninang umaga, April 23, 2025, ay buong galang na kinolekta ni Ginang Pasatiempo ang kabayaran sa pagkain ng mga bata na naka-dormitoryo sa BPSHS. Isinulit niya ang kaukulang halaga, para sa 136 na mga estudyanteng nakatanggap ng educational assistance, sa catering representative.”
Gayunpaman, nanawagan ang pamahalaang panlalawigan ng pang-unawa sa publiko at tiniyak ang kanilang buong pakikipagtulungan at pagsunod sa batas.
Si Gov. Mandanas, ay hindi pa natatalo sa halalan mula 1995. Dahil sa term limit, ngayon ay tumatakbo siyang bise-gobernador, laban kina Bauan Mayor Ryanh Dolor at TV host-actor na si Lucky Manzano, anak ng aktres at dating Congresswoman Vilma Santos, na siya namang nagbabalik sa politika bilang Gobernador. | BChannel