Opisyal nang nakabalik sa kanyang posisyon si Mayor Lota Manalo ngayong araw, Abril 24, matapos ang umano’y iligal na pagkakatanggal sa kanya bilang punong bayan ng Lobo.
Sa isang makabagbag-damdaming mensahe sa publiko, binigyang-diin ni Mayor Manalo na ang kanyang pagbabalik ay tagumpay hindi lamang para sa kanya kundi para sa buong bayan ng Lobo. “Ito po ay katibayan para sa panalo natin, para sa ating laban, para sa minamahal nating bayan,” aniya.
Pinagtibay ng mga desisyon ng korte ang kanyang mga naging hakbang sa panunungkulan, at kinilalang makatarungan ang kanyang mga aksyon para ayusin at protektahan ang mga sistema sa loob ng munisipyo. “Walang matibay at matinding basihan na ako ay gumawa ng labag sa aking katungkulan,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng kautusan, ibabalik kay Mayor Manalo ang kanyang suweldo, mga benepisyo, at kabuuang back wages na tila hindi nawala sa bisa ng iligal na pagkakatanggal.
Nanumpa rin ang alkalde na patuloy niyang isusulong ang kanyang tungkulin nang may katapatan at ayon sa batas, kasabay ng paninindigang itigil na ang mga walang basehang kaso laban sa kanya.
“Ituloy na natin, Bayan ng Lobo!” masiglang panawagan ni Mayor Manalo sa kanyang mga kababayan. | BChannel NEWS