Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa isang madilim na bahagi ng kalsada sa Mae Puso Avenue, Brgy. Kalayaan, Angono, Rizal, bandang 11:45 ng gabi noong Abril 25, 2025.
Iniulat ito sa Angono Municipal Police Station (MPS) dakong 12:40 ng madaling araw ng Abril 26.
Ayon sa ulat ng Angono MPS, isang tawag mula sa Angono Municipal Control ang kanilang natanggap na nagsasabing may natagpuang walang buhay na katawan ng isang lalaki sa nasabing lugar.
Sa salaysay ng isang saksi, kanyang nakita ang dalawang lalaking tumatakbo palayo sa lugar, patungo sa Baytown Road. Nang kanyang suriin kung saan nanggaling ang mga ito, doon niya nadiskubre ang biktimang nakahandusay sa gilid ng kalsada.
Ang biktima ay isang hindi pa nakikilalang lalaki, suot ang itim na sando at itim na shorts. Natagpuan itong may tali sa mukha gamit ang puting t-shirt at tape, habang naka-posas pa ang isa nitong braso.
Patuloy ang imbestigasyon ng Angono MPS upang alamin ang motibo sa krimen at matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga posibleng suspek. | BChannel NEWS