Inilabas ng Department of Finance (DOF) ang isang bagong revenue regulation na naglalayong pag-isahin at pasimplehin ang mga tax incentive para sa edukasyon, upang higit pang mahikayat ang pamumuhunan sa pagpapalago ng human capital ng bansa.
Ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto, ang pagsuporta sa edukasyon ay hindi lamang nagpapabilis sa pambansang kaunlaran kundi nagbibigay rin ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
“By prioritizing education, we are accelerating not only national development, but more importantly, we are creating more opportunities to uplift the lives of every Filipino through strategic human capital investments,” pahayag ni Recto.
Sa ilalim ng Revenue Regulations (RR) No. 13-2025, pinadali na ang mga dating magugulong proseso para sa pagkuha ng insentibo sa ilalim ng umiiral na mga batas para sa edukasyon at pagsasanay. Ayon sa pahayag ng DOF noong Miyerkules, April 23 layunin ng regulasyong ito na alisin ang mga balakid sa pag-avail ng mga benepisyong ito.
Nilagdaan ni Finance Secretary Ralph Recto ang regulasyon noong Marso 17, 2025, kasunod ng rekomendasyon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. Pormal itong naging epektibo noong Abril 17, o labing-limang (15) araw matapos ang opisyal na paglalathala sa website ng BIR.
Tiniyak ng bagong regulasyon ang mas madaling pagnenegosyo para sa mga institusyong pang-edukasyon, habang hinihikayat ang mas maraming pamumuhunan sa antas ng primarya hanggang tersyarya, pati na rin sa technical education at skills development.
Ayon sa DOF, ang hakbang na ito ay nakahanay sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na kinikilala ang mahalagang papel ng public-private partnerships (PPPs) sa pagbibigay ng dekalidad, inklusibo, at workforce-responsive na mga programang pang-edukasyon at pagsasanay para sa mga Pilipino. | BChannel NEWS