Isang trahedya ang yumanig sa mundo ng collegiate sports matapos bawian ng buhay ang student-athlete na si Marc Mateo Castillo, 20, mula sa Occidental Mindoro State College, matapos ang kanyang laban sa boxing event ng State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Games sa Mambajao, Camiguin noong Abril 26.
Ayon sa ulat, pinatigil ng referee ang laban sa ikatlong round matapos tamaan si Castillo ng malakas na suntok sa ilong.
Agad siyang nilapatan ng paunang lunas at dinala sa Camiguin General Hospital, bago inilipat sa Cagayan de Oro para sa karagdagang gamutan. Sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor, pumanaw si Castillo.
Nagpaabot ng pakikiramay ang SCUAA, Occidental Mindoro State College, at ang buong SUC community sa pamilya ng atleta. Tiniyak ng mga awtoridad na sinunod ang lahat ng medical protocols bago at habang isinasagawa ang laban.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Si Castillo ay inalala bilang masigasig at huwarang atleta ng rehiyon. | BChannel NEWS