Patuloy ang pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas, ayon sa pinakabagong ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Huwebes, Mayo 1.
Sa loob ng nakalipas na 24 oras, naitala ang kabuuang 61 pagyanig, kabilang na ang limang volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang dalawang minuto.
Ang trend ng seismic activity sa mga nakaraang araw ay nagpapakita ng unti-unting pagtaas: Abril 26 – 56 pagyanig, 14 tremors; Abril 27 – 37 pagyanig, 8 tremors; Abril 29 – 53 pagyanig, 13 tremors
Sa datos ng PHIVOLCS, ang sulfur dioxide (SO2) emission ay umabot sa 1,213 tonelada bawat araw noong Abril 30. Samantala, nananatiling mahina ang pagsingaw o plume activity mula sa bunganga ng bulkan.
Naitala rin ang pangmatagalang pag-impis sa kalakhang bahagi ng Taal Caldera at panandaliang pamamaga sa timog-silangang bahagi ng Taal Volcano Island, na indikasyon ng umiiral na presyur sa ilalim ng bulkan.
Bagama’t patuloy ang aktibidad, wala namang naobserbahang na volcanic smog (vog).
Nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, muling pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na hindi ito nangangahulugang tapos na ang aktibidad ng bulkan o wala nang banta ng posibleng pagsabog.
Patuloy ang kanilang pagmamanman sa mga posibleng pagbabago sa kondisyon ng bulkan.
Pinaalalahanan ang mga residente at turista na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad ukol sa kaligtasan. | BChannel NEWS