Isang bata ang nasawi nang malunod sa isang resort sa sa Brgy. Sta. Ana, Calatagan, Batangas bandang alas-7 ng gabi noong Mayo 1, 2025.
Batay sa ulat ng Calatagan Municipal Police Station, bandang alas-9 ng gabi ng parehong araw, kanilang natanggap ang impormasyon mula sa Hospital hinggil sa pagkaka-admit ng isang pasyenteng nasangkot sa isang insidente ng pagkalunod.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang ang biktima ay kasama ang kaniyang kuya na 10 taong gulang, at pinsan na 9 taong gulang, ay agad na lumusong at naligo sa dagat pagdating nila sa resort—nang hindi nalalaman ng kanilang mga magulang.
Habang naliligo, hindi inaasahan na napalayo ang mga bata sa malalim na bahagi ng tubig. Agad na nailigtas ang magpinsan, ngunit ang biktima ay naiulat na nawawala nang halos isang oras bago ito natagpuan.
Isinugod ng kaniyang mga magulang sa Calatagan Medicare Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Patuloy na pinaaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na maging mapagmatyag at tiyaking may sapat na gabay ang mga batang naliligo sa mga pampublikong lugar, upang maiwasan ang mga ganitong trahedya. | BChannel NEWS