Isang insidente ng carnapping ang naiulat sa lungsod ng Sto. Tomas matapos mawala ang isang motorsiklo sa loob lamang ng halos 20 segundo habang nakaparada sa tapat ng isang sari-sari store sa Maharlika Highway, Brgy. San Felix.
Kinilala ang biktima na si Ruel. Ayon sa imbestigasyon ng Sto. Tomas City Component Police Station (CCPS), bandang alas-8:20 ng umaga noong Abril 30, ay pansamantalang iniwan ng biktima ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio (plate number DAJ 460, kulay pula at itim) upang bumili ng personal na gamit sa isang tindahan. Sa kanyang pag-alis, naiwan umano ang susi na nakapasok pa sa ignition ng kanyang sasakyan.
Batay sa kuha ng CCTV, isang hindi pa nakikilalang lalaki na may taas na tinatayang 5’7, nakasuot ng itim na jacket na may hood, itim na sling bag, maong na pantalon, at walang suot na helmet, ang agad na lumapit sa motorsiklo at mabilis itong pinaharurot patungong Sto. Tomas Town Proper. Tinatayang tumagal lamang ng 20 segundo mula sa pag-alis ng biktima hanggang sa maganap ang pagnanakaw.
Sinubukan pang habulin ng biktima ang suspek, ngunit hindi na nito naabutan ang kanyang sasakyan.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad. | BChannel NEWS