Umani ng matinding batikos sa social media ang isang viral video na nagpapakita ng brutal na pananakit ng tatlong kabataan sa isang dalagita sa harap ng Lipa City Packaging Center sa Batangas.
Sa video na ibinahagi ni Mariane Blanco, makikita ang walang habas na pananakit ng tatlong babae sa isang babaeng umiiyak at nakadapa sa sahig.
Paulit-ulit siyang sinisipa, sinusuntok, sinasampal, at hinihila sa buhok.
Sa isang bahagi ng video, sinubukan pa siyang iuntog sa sahig habang hawak-hawak pa rin sa kanyang buhok.
Dinig sa video ang malakas na pag-iyak at pagmamakaawa ng biktima, habang tila walang ibang tao sa lugar maliban sa apat na kabataang sangkot sa insidente.
Hindi pa malinaw ang ugat ng pananakit, ngunit nananawagan na ang publiko sa mga kinauukulan na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga sangkot.
Sa panayam ng BChannel NEWS kay Lipa City Police Lieutenant Colonel Rix S. Villareal, sinabi niyang naiparating na sa Women and Children Protection Desk ng Philippine National Police (PNP) ang insidente
Ayon pa kay Villareal, wala nakarating na pormal na reklamo o ulat na naiparating sa kanilang himpilan, ngunit kasalukuyan na silang nagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga suspek.
Patuloy na kinokondena ng netizens ang karahasang ipinakita sa video at umaasa ang marami na agad itong maaksyunan ng mga awtoridad upang mapanagot ang mga salarin at maprotektahan ang kapakanan ng biktima.
Ayon naman sa uploader na si Blanco, matagal na umano ang naturang video subalit nito lang niya nai-post. | BChannel NEWS