Pinatitigil na ngayon ang operasyon ng Motorcycle Taxi Service provider na Move It sa Cebu at Cagayan de Oro (CDO) City, kung saan libo-libong riders ang posibleng mawawalan ng trabaho.
Ito ay matapos patawan ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG Group) ng tigil operasyon ng nasabing ride-hailing app dahil sa umano’y patuloy na paglabag nito sa regulasyon ukol fleet limit at kabiguang sumunod sa mandatory reporting rules sa ilalim ng motorcycle taxi pilot study.
Sa inilabas na kautusan alinsunod na rin sa inilabas na memorandum ng LTFRB, inatasan ng TWG ang Move It na itama ang bilang ng kanilang mga rider batay sa pinahintulutan ng gobyerno at ihinto ang operasyon sa mga lugar kung saan wala umano itong permit, partikular na sa Cebu at Cagayan de Oro. Bukod dito, inutusan din ang Move It sa sumunod sa reportorial requirements sa activation, deactivation, at reactivation ng mga riders.
Nag-ugat ang parusa sa inilabas na Show Cause order noong Disyembre 2024 kung saan pinagpapaliwanag ang motorcycle taxi company tungkol sa nasabing alegasyon ng paglabag sa alokasyon ng riders.
Batay sa tala na isinumite ng TWG, nakumpirma na 6,836 units lamang ang pinapayagang mag-operate ng gobyerno. Gayunpaman, lumalabas na umano sa 14,662 ang bilang ng naitalang riders ng Move It sa bansa– higit sa doble ng pinapayagang bilang, na maituturing na “colorum” at paglabag sa umiiral na batas. Dagdag pa rito, nabigo rin umano ang kumpanya na i-report ang pagpalit sa estado ng rider, na isa sa mahalagang requirement.
Ayon sa TWG, ang paglabag ay nagresulta sa libu-libong hindi awtorisadong motorcycle taxi sa kalsada.
Samantala, nagbabala ang TWG na posibleng patawan ng mas mabigat na parusa ang Move It kung hindi ito susunod sa kautusan, kabilang na ang tuluyang pagkansela ng kanilang permit.
Una ng binatikos ni Sen. Raffy Tulfo ang Grab dahil sa patakaran nitong ipasa sa mga driver ang 20% diskwento para sa mga estudyante, senior citizen, at PWD. Sa ginanap na pagdinig sa senado isiniwalat ng Philippine Commission (PCC) na umabot na sa P86.7 milyon ang multa ng Grab dahil sa paglabag sa pamantayan sa pamasahe, kabilang ang madalas na pagkansela ng bookings. | D.Rupan, BChannel NEWS