Viral ngayon sa social media ang isang video na nagpapakita ng matinding pananakit ng isang lalaking kinilalang si Ray Mond Mijares sa kanyang misis, sa harap mismo ng kanilang anak.
Mismong ang biktima ang nag-upload ng mga CCTV footage bilang babala at inspirasyon sa iba pang kababaihang dumaranas ng karahasan sa loob ng tahanan.
Ayon sa biktima, matagal siyang nanahimik ngunit napilitang magsalita matapos ang patuloy na pananakit at umano’y pagkunsinti ng pamilya ng kanyang asawa.
Sa kanyang post, sinabi niyang wala siyang masamang intensyon sa paglalantad ng mga video kundi upang ipabatid sa publiko na ang ganitong uri ng pang-aabuso ay patuloy na nangyayari at hindi dapat ipagsawalang-bahala.
“Today I decided to post it to get out of my closet… I want to regain [my confidence], not by posting to be viral but letting it known to the public that these things happen and no one should keep it to themselves,” pahayag ng biktima.
Dahil dito, umani ng matinding galit ang publiko laban sa pananakit ng mister, at paghanga naman sa katapangan ng babae sa paglalantad ng kanyang karanasan. Marami rin ang nagpaabot ng suporta at panalangin para sa kanyang pagbangon kasama ang anak.
Aniya, nais niya ngayon ay ang kapayapaan at paghilom para sa kanilang mag-ina. Kinumpirma rin ng biktima na nakapaghain na siya ng legal na aksyon at patuloy na humihingi ng hustisya, sa maayos at makataong paraan.
“All I need and my daughter need right now is healing and peace… Please pray for me and my daughter in this legal battle. We will heal and come out stronger after this.”
Sa kabila ng pagkakabura ng orihinal na post sa social media, patuloy ang panawagan ng netizens sa mga kinauukulan para sa agarang hustisya at pagtugon sa lumalalang kaso ng domestic abuse sa bansa. | BChannel NEWS