Kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang unang kaso ng High Pathogenicity Avian Influenza (HPAI) Type A Subtype H5N9 sa Camaligan, Camarines Sur.
Noong Abril 30, 2025, nakatanggap ng positibong resulta mula sa mga sample ng pato na kinolekta sa isang routine surveillance ng DA Regional Field Office V (DA-RFO V).
Bagamat mataas ang peligro ng HPAI sa mga ibon, mababa ang panganib nito sa tao base sa kasalukuyang global assessments.
Kaagad na ipinatupad ng BAI ang mga hakbang para sa pagkontrol ng sakit kabilang ang quarantine, pag-cull ng mga apektadong hayop, at koordinasyon sa mga lokal na awtoridad. Inabisuhan din ang Department of Health (DOH) upang masubaybayan ang posibleng epekto sa tao.
Sa kasalukuyan, nagsagawa ng culling at tamang disposal ng mga pato sa apektadong farms noong Mayo 6, 2025. Magpapatuloy ang intensive surveillance at mga hakbang na pang-disinfection sa loob ng 1-kilometrong quarantine zone.
Ang BAI at DA-RFO V ay patuloy na magpapatupad ng mga operasyon ng pagkontrol ng sakit at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat nito. Pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri at mag-ulat ng anumang kakaibang pagkamatay ng mga manok sa mga lokal na awtoridad. | BChannel NEWS