Nagbatian at nagyakapan sina senatorial candidate Manny Pacquiao at Bam Aquino nang magtagpo sila habang parehong nangangampanya sa Libertad Sports Complex, Butuan City nitong Martes, May 6.
Sa harap ng mga taga-suporta, nagyakap at nagkamustahan ang dalawang dating senador sa gitna ng umiinit na kampanya para sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Si Aquino, kilala bilang kaalyado ng oposisyon, ay masayang lumapit at bumati kay Pacquiao, at kapwa nagpakita ng iisang layunin– ang maglingkod sa sambayanang Pilipino, lampas sa partidong kinabibilangan.
Samantala, noong Abril, nakasalubong din ni Pacquiao sina Bong Go at Willie Revillame, na mga kapwa kandidato sa pagka senador habang nangangampanya sa Caloocan. Bagama’t mula sa magkaibang partido, sinalubong niya ang mga ito ng pakikipagkamay at may paggalang.
Bukod pa rito, nagpahayag din ng suporta sa kandidatura ni Pacquiao sina former Vice President Leni Robredo at dating Mayor Isko Moreno, na dati niyang mga nakatunggali noong nakaraang eleksyon sa 2022.
Para kay Pacquiao, naniniwala siya na wala dapat kinikilalang kulay ng pulitika kung prinsipyo at serbisyo sa bayan ang pag-uusapan. “Sa akin, basta para sa kabutihan ng bansa at ng mga mamamayan, kasama ko kayo. Ang laban na ito ay hindi tungkol sa partido kundi sa prinsipyo at serbisyo” ani Pacquiao.
Sa kanyang panawagan, binigyang-diin rin ni Pacquiao ang kahalagahan ng pagkakaisa at inklusibong pag-unlad na inuuna ang taumbayan at ang bansa higit sa pulitika. |BChannel NEWS