Isang naaagnas na bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa isang bangin sa Sitio Pugahanan, Barangay San Gregorio, Laurel, Batangas, bandang alas-1:00 ng hapon nitong Mayo 7, 2025.
Ayon sa Laurel Municipal Police Station (MPS), isang concerned citizen ang tumawag sa kanilang tanggapan bandang 1:40 ng hapon upang iulat ang pagkakadiskubre ng bangkay.
Agad namang tumugon ang mga awtoridad sa pangunguna ni PMAJ Rhyan L. Olave upang beripikahin at imbestigahan ang insidente.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumabas na habang nangangalap ng panggatong si Gerardo Macalagim sa lugar ay nakaramdam siya ng mabahong amoy. Sa kanyang pagsuri ay natagpuan niya ang bangkay sa isang malalim na bangin.
Ang nasabing bangkay ay nakabalot ang ulo at ibabang bahagi ng katawan gamit ang itim na garbage bag at duct tape, habang ang mga kamay nito ay nakaposas. Batay sa obserbasyon, nasa yugto na ng decomposition ang katawan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang posibleng motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen. | BChannel NEWS