Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12209, isang batas na naglalayong palakasin ang mga patakaran sa kaligtasan at parusa kaugnay ng operasyon ng mga motorsiklo sa bansa.
Ang bagong batas ay nag-aamyenda sa Republic Act No. 11235 o ang “Motorcycle Crime Prevention Act.”
Layunin ng RA 12209 na gawing mas epektibo ang pagpaparehistro ng mga motorsiklo, pagpapalakas ng monitoring laban sa krimen gamit ang motorsiklo, at pagtiyak sa kaligtasan ng mga motorista sa kalsada.
Mahahalagang Probisyon ng Batas:
Mas Mabilis na Proseso ng Rehistrasyon: Inaatasan ang mga dealer at may-ari ng motorsiklo na magsumite ng ulat ng bentahan sa Land Transportation Office (LTO) sa loob ng limang (5) araw mula sa petsa ng transaksyon. Ang bagong may-ari naman ay mayroong dalawampung (20) araw upang ilipat ang rehistro sa kanyang pangalan.
Mas Malaki at Nababasang Plaka: Maglalabas ang LTO ng mas malaking plaka na may tamang font at kulay na mababasa mula sa layong 15 metro, na kailangang ikabit sa hulihan ng motorsiklo.
Mas Mahigpit na Parusa: Ang mga lalabag ay papatawan ng multang hanggang ₱5,000, habang ang paggamit ng pekeng o ninakaw na plaka ay maaaring mauwi sa kulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon at multang aabot sa ₱20,000 depende sa bigat ng paglabag.
Pag-uulat ng Nawawalang Plaka: Ang may-ari ay kailangang mag-ulat sa LTO at PNP sa loob ng 72 oras matapos matuklasang nawawala, sira o ninakaw ang plaka. Ang hindi pagsunod ay may kalakip na multa.
Transitory Provision: Binigyan ng palugit ang mga may-ari ng motorsiklo hanggang Disyembre 31, 2025 upang mag-renew ng rehistro at humiling ng bagong plaka. May palugit ang LTO hanggang Hunyo 30, 2026 upang makapaglabas ng lahat ng kinakailangang plaka.
Ang batas na ito ay naipasa ng Senado at Kamara noong Pebrero 3 at 5, 2025 at naging ganap na batas matapos pirmahan ng Pangulo noong Mayo 9, 2025. Magkakabisa ito labinlimang (15) araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. | BChannel NEWS