Arestado ang isang lalaki matapos masangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo at manlaban pa sa mga pulis sa isinagawang hot pursuit operation sa Lucena City nitong Huwebes, May 22.
Bandang alas-5:30 ng hapon, personal na nagtungo sa Lucena Component City Police Station ang biktimang si Oliver, 29 taong gulang, empleyado at residente ng Brgy. Mayao Parada, upang i-report na nawawala ang kanyang motorsiklo.
Ayon sa ulat, ipinarada ni Oliver ang kanyang motorsiklo sa loob ng PNR Compound sa Brgy. Cotta at hindi niya namalayang naiwan ang susi sa ignition. Matapos ang ilang sandali, napansin na niyang nawawala ito at hindi na niya ito matagpuan kaya humingi siya ng tulong sa pulisya.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at agad na ikinasa ang hot pursuit operation. Nahuli ang suspek na si Jericho, 28 taong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Cotta, habang minamaneho ang ninakaw na motorsiklo sa Brgy. 10, Lucena City.
Habang isinasagawa ang pag-aresto, tinangka ng mga pulis na pababain sa motorsiklo ang suspek ngunit tumanggi ito at sumigaw pa ng, “Putang ina ninyo, hindi niyo ko kilala! Anak ako ng dating pulis!” Nagwala ito at pinagsusuntok si PCMS Emmanuel R. Jabrica sa balikat.
Sa kabila ng panlalaban, matagumpay na naaresto ang suspek at narekober ang ninakaw na motorsiklo.
Inihahanda na ang kasong kriminal laban sa suspek para sa pagsasampa sa Office of the City Prosecutor. | BChannel NEWS