Isang insidente ng panloloko o “Budol-Budol” ang naiulat sa isang Convenience Store sa Bamboo Street, Barangay Dagatan, Lipa City, dakong alas-8:00 ng gabi noong Mayo 27, 2025. Ang insidente ay naiulat sa pulisya kinabukasan, Mayo 28, ganap na 2:20 ng hapon.
Batay sa Lipa Component City Police Station (CCPS), ang biktima na si Jefferson, 27 anyos, isang store crew/cashier, ay nasa cashier area ng naturang tindahan nang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek — isang lalaking banyaga at isang babaeng banyaga.
Nagpakita umano ang lalaking suspek ng dalawang P500 bills at humiling na ipapalit ito sa isang P1,000 bill. Sa pamamagitan ng sunod-sunod at mapanlinlang na usapan, hindi napansin ng biktima na unti-unti na pala siyang nalilinlang at nauwi ito sa pagkakabigay ng kabuuang halagang P15,500 sa mga suspek.
Nakuha ang deskripsyon ng mga suspek sa pamamagitan ng CCTV footage ng nasabing tindahan.
Ayon sa footage, ang lalaking suspek ay nasa edad 40, malaki ang pangangatawan, nakasuot ng polo shirt na may itim at puting guhit, at isang banyaga. Samantalang ang babaeng kasama ay may kulay blonde na buhok, banyaga rin, at nakasuot ng itim na damit.
Agad na iniulat ng biktima ang insidente sa pamunuan ng kanilang tindahan at kalaunan ay sa Lipa CCPS para sa kaukulang imbestigasyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga sangkot sa insidente. | BChannel NEWS