Arestado ang isang lalaking nasa impluwensya ng alak matapos makasuntok, manakal, at magbanta ng pagpatay sa dalawang biktima sa Brgy. Kaingin San Pascual Batangas nitong Miyerkules, Mayo 28, dakong alas-4:30 ng hapon.
Naiulat ang insidente sa San Pascual Municipal Police Station bandang 5:15 ng hapon sa pamamagitan ng tawag mula kay Barangay Chairman Corazon Garcia.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagwala umano ang suspek sa labas ng kanilang tahanan habang lasing. Tinangkang pakalmahin ng unang biktima na si Arjay, 30, isang drayber, ang suspek ngunit siya ay sinuntok sa kaliwang pisngi at sinakal habang sinisigawan ng “PAPATAYIN KITA”.
Dumating naman si Rossana, 48, isang Barangay Kagawad, upang awatin ang suspek. Ngunit sinubukan din siyang saktan gamit ang isang piraso ng kawayan. Mabuti na lamang at nakailag siya at agad na tumakbo palayo.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng San Pascual MPS at inaresto ang suspek na si Arnold, 39 taong gulang, walang trabaho, at residente rin ng Brgy. Kaingin.
Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek. | BChannel NEWS