Patay ang isang 10-anyos na batang babae matapos umano’y malunod sa isang resort sa Tanauan City, Batangas kahapon ng hapon.
Batay sa ulat ng Tanauan CPS, nangyari ang insidente bandang 2:40 PM sa isang resort sa Brgy. Darasa, pero naireport lamang ito dakong 4:40 PM ng isang security guard mula Healthway Medical Center.
Ayon sa imbestigasyon, naliligo ang bata kasama ang kanyang mga kamag-anak nang mangyari ang insidente. Ilang tao na nasa pool ang nakaramdam umano ng parang buhok sa ilalim ng tubig kaya agad silang sumisid para tingnan.
Doon na nila nadiskubre ang wala nang buhay na katawan ng bata. Agad siyang iniahon at sinubukang i-revive gamit ang CPR, pero hindi na siya nailigtas.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay residente ng Baseco Compound, Maynila.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente. | BChannel News