Dalawang lalaki ang nasawi sa isang aksidente sa motorsiklo sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Balibago, Lian, Batangas dakong 9:50 ng gabi nitong Miyerkules, Mayo 28.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Lian Municipal Police Station, kinilala ang driver na si JR, 22 taong gulang, at ang kanyang back rider na si John, 20 taong gulang. Kapwa residente ng Barangay Real, Calatagan, Batangas ang dalawa.
Lumalabas sa report ng Lian PNP na galing ang mga biktima sa Calatagan at patungong Lian proper sakay ng isang motorsiklo. Habang binabaybay ang nasabing kalsada, nawalan umano ng kontrol sa manibela si JR dahil sa madulas na daan, dahilan upang tumilapon ang motorsiklo at bumagsak sa kalsada.
Base sa inilabas na imbestigasyon ng Lian Municipal Police Station (MPS), lumilitaw na ang biktimang si JR ay nasa impluwensiya ng alak habang nagmamaneho.
Dahil sa lakas ng impak, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang parehong sakay. Idineklara silang dead on arrival dakong 9:58 ng gabi sa parehong araw.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, habang pinaalalahanan naman ang publiko na maging maingat sa pagmamaneho. | BChannel NEWS