Nanawagan si Senadora Loren Legarda sa mga Pilipino na maging pangunahing tagapagtanggol ng karagatan, kasabay ng nalalapit na Third United Nations Ocean Conference (UNOC3) ngayong Hunyo. Sa forum na “Daluyong ng Pagbabago” sa UP Visayas sa Antique, iginiit ni Legarda na dapat isalin sa konkretong aksyon ang mga pangakong global para sa mga sektor tulad ng mga mangingisda, kababaihang baybayin, at katutubo.
Binigyang-diin ng senadora ang kahalagahan ng dagat sa kabuhayan ng bansa, na may 3.9% kontribusyon sa GDP, ngunit nahaharap sa matinding banta gaya ng pagkaubos ng isda, pagkasira ng coral reefs, at matinding polusyon sa plastik.
Ipinunto ni Legarda na kapag nawala ang bahura at bakawan, nawawala rin ang proteksyon ng mga komunidad sa bagyo.
Bilang tugon, isinusulong niya ang Blue Economy Bill na magtatakda ng limitadong pangingisda, pagbabawal sa mapanirang pamamaraan gaya ng muro-ami, at pagtatatag ng mga protected areas.
Dagdag pa niya, “Hindi tayo uunlad kung hindi natin iingatan ang kalikasan. Panahon na para kumilos, magkaisa, at maglayag tungo sa pangangalaga, hindi pagsasamantala.” | BChannel NEWS