Patay ang isang umano’y carnapper matapos umanong makaengkwentro ang mga pulis noong umaga ng Mayo 30, 2025 sa Sitio Gipit, Barangay San Jose, Antipolo City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Antipolo City Police Station (CCPS), dakong alas-3:30 ng madaling araw ng nasabing petsa nang madiskubreng nawawala ang motorsiklo ng biktima na si John, 41 anyos, residente ng Sitio Kapatagan, Brgy. San Jose.
Agad niya itong ipinost sa kanyang Facebook account upang humingi ng tulong.
Nakita ng isang concerned citizen ang post at napansin na ang nasabing motorsiklo ay ibinibenta umano ng isang lalaki sa Sitio Gipit. Ipinagbigay-alam ito sa saksi na si Luvilyn, na siya namang nagpadala ng mensahe sa biktima. Isa pang saksi, si Jocelyn, ang agad na tumawag ng pansin sa mga nagpapatrolyang pulis sa lugar.
Habang nagsasagawa ng follow-up operation sina Pat. Marvin Del Rio at Pat. Noel Brian Gonzales Islita, biglang tumakbo ang suspek na nakilalang si Christian, 28 anyos, residente ng Sitio Tanza 2 ng parehong barangay, matapos mapansin ang presensya ng mga awtoridad.
Habang hinahabol, bumunot umano ng baril ang suspek at nagpaputok ng dalawang beses sa direksyon ng mga pulis. Dahil dito, napilitang gumanti si Pat. Islita at isang beses siyang nagpaputok, na tumama sa ulo ng suspek.
Agad na tumawag ang mga pulis ng ambulansya upang maisugod ang suspek sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklara itong dead on arrival.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang .38 caliber revolver na may dalawang buhay na bala. Narekober rin ang ninakaw na motorcycle na may plate number 714 TPQ.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa insidente. | BChannel NEWS