Isang lalaki ang binaril ng taong matagal na niyang kakilala at may matagal nang alitan sa Barangay Burol 2, Dasmariñas City, Cavite noong gabi ng Hunyo 3.
Ayon sa imbestigasyon ng Dasmariñas Component City Police Station (CCPS), bandang alas-7:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa B-19, Tabing Ilong, Barangay Burol 2. Dakong alas-8:00 ng gabi, nakatanggap ang Tactical Operations Center ng Dasmariñas CCPS ng tawag mula sa duty guard ng Pagamutan ng Dasmariñas na nag-ulat ng nasabing insidente.
Kinilala ang biktima na si Exikiel, nasa legal na edad at residente ng Barangay Sta. Fe, Dasmariñas City. Base sa salaysay ng biktima, habang siya ay naglalakad sa lugar ay bigla siyang nilapitan ng suspek na nakilalang si Jerry, nasa legal na edad at residente ng Barangay Luzviminda 1, Dasmariñas City.
Ayon sa biktima, sila ay matagal nang magkaibigan ngunit may matagal na ring hindi pagkakaunawaan.
Bigla na lamang umano siyang binunutan ng baril ng suspek at pinaputukan nang walang anumang babala. Tinamaan si Exikiel ng tatlong bala kung saan dalawa sa kanang bahagi ng dibdib at isa sa kanang baraso.
Mabilis namang nakaresponde ang isang barangay tanod na naka-duty sa Burol 2 at agad siyang dinala sa Pagamutan ng Dasmariñas. Sa kasalukuyan, nasa stable condition na ang biktima.
Tumakas naman ang suspek matapos ang pamamaril at kasalukuyan pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng alitan at ang posibleng kinaroroonan ng suspek. | BChannel NEWS