Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang foreigner ang natagpuang nakabalot sa itim na garbage bag sa Barangay Santiago, Malvar, Batangas dakong alas-10:30 ng gabi noong Lunes, Hunyo 2, 2025.
Ayon sa Malvar Municipal Police Station, ang biktima ay isang lalaking Caucasian, tinatayang 5’9″ ang taas, kalbo, may bigote, at may katabaan. Nakasuot ito ng dark blue na polo shirt na may tatak Fred Perry, cream na pantalon, at dark blue na medyas na Lacoste.
Sa pamamagitan ng CCTV mula sa Yama Heavy Equipment, nakita ang isang puting Geely Azkarra SUV (plate no. NKE 9496) na huminto sa lugar kung saan iniwan ang bangkay.
Isang testigo ang boluntaryong lumapit sa pulisya kinabukasan upang iulat na nakita niyang inihulog ang garbage bag ng dalawang lalaki at isang babae mula sa nasabing sasakyan. Natukoy niya ang mukha ng babae dahil sa liwanag ng ilaw sa loob ng sasakyan.
Mabilis na ikinasa ang hot pursuit operation sa pangunguna ni PMAJ Ralph G. Dayag.
Sa tulong ng GPS at impormasyon mula sa LTO, natunton ang SUV sa isang resort sa Lian, Batangas.
Noong Hunyo 4, alas-4:15 ng umaga, positibong kinilala ng testigo si Kathleen, 41, isang abogadong freelance mula Parañaque, bilang kasama sa krimen. Siya’y agad na inaresto.
Narekober mula sa kanyang bag ang isang Glock .40 pistol na may 15 bala. Wala siyang naipakitang lisensya at lumabas na ang baril ay nakarehistro sa ibang tao.
Noong Hunyo 5, isinampa ang kasong Murder, paglabag sa RA 10591 (Firearms Law), at kaugnay na paglabag sa Omnibus Election Code laban kay Kathleen at tatlong iba pa.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at madakip ang mga natitirang suspek.
Hinihikayat ng pulisya ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa Malvar MPS sa numerong 0915-336-6396. | BChannel NEWS