Isang tricycle driver ang nasawi matapos masaksak sa isang away na nag-ugat sa hindi pagkakaunawaan sa paradahan, bandang 3:46 ng hapon nitong Hunyo 7, sa BBL Terminal, Balibago Complex, Brgy. Balibago, Sta. Rosa City, Laguna.
Kinilala ang biktima na si Cris, 47 anyos, residente ng Southville 4, Brgy. Caingin.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagtalo ang biktima at ang suspek na si Sarge, 40 anyos, kapwa tricycle driver, dahil sa pagtatalo kung sino ang dapat magbigay-daan sa sasakyang daraan sa pagitan ng kanilang mga tricycle.
Nauwi ito sa suntukan kung saan kumuha ng dos por dos ang biktima habang kutsilyo naman ang hawak ng suspek.
Sa gitna ng sagupaan, natumba ang biktima at ilang ulit na sinaksak sa dibdib ng suspek na agad tumakas sakay ng kaniyang tricycle. Dinala pa sa Hospital ang biktima ng isang saksi ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng Sta. Rosa CPS habang isinagawa na ang hot pursuit operation, dragnet sa mga karatig-lungsod, at pagsusuri ng CCTV footage sa lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang krimen habang mahaharap naman sa karampatang kaso ang suspek. | BChannel NEWS