Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang 95,568 sako ng hinihinalang ilegal na nakaimbak na asukal na may halagang P307.6 milyon sa tatlong bodega ng BRAE Sugar Trading sa Muralla Industrial Park, Brgy. Perez, Meycauayan City, Bulacan nitong Hunyo 6, 2025.
Ang operasyon ay isinagawa ng CIDG Regional Field Unit 3 at Bulacan PFU, kasama ang Meycauayan City Police, Department of Agriculture Inspectorate Enforcement (DA IE), at Sugar Regulatory Administration (SRA), batay sa search warrant para sa paglabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act (RA 10845) at Sugarcane Industry Development Act (RA 10659).
Ayon kay Police Colonel Ranie Hachuela, Officer-in-Charge ng CIDG, ang ganitong uri ng aktibidad ay itinuturing na economic sabotage kahit gaano pa karami ang produkto. Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nagmamay-ari ng mga warehouse.
Pinasalamatan ni Col. Hachuela ang lahat ng ahensyang nakiisa sa operasyon at nanawagan sa publiko na ipagbigay-alam ang mga ilegal na gawain upang agad na maaksyunan. | BChannel NEWS