Sugatan ang isang batang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Lucban, Quezon.
Dakong alas-1:50 ng hapon, June 16, nang pagbabarilin ang biktima na si Safia, 5-anyos, habang nasa terrace ng kanilang bahay sa isang subdivision sa Brgy. Ayuti, kasama ang kaniyang kapatid.
Sa imbestigasyon ng Lucban Municipal Police Station, biglang dumating ang suspect na nakasuot ng pulang jacket na may puting hoodie at sakay ng motorsiklo. Dalawang beses nitong binaril ang bata gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril. Tinamaan si Safia sa kanang braso at tiyan.
Agad siyang isinugod sa Hospital para sa medikal na atensyon habang tumakas ang suspect matapos ang krimen.
Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala.
Patuloy ang dragnet operations, at sinusuri na rin ng mga otoridad ang CCTV footage sa paligid. Humingi na rin ng tulong ang PNP sa SOCO para sa pagproseso ng ebidensya.
Patuloy pa ring inaalam ang motibo sa pamamaril. | BChannel NEWS, R. Baciles