Isinagawa ngayong araw, June 26, sa Lipa City, Batangas ang taunang Media Conference ng Department of Agriculture DA-4A Calabarzon. Dinaluhan ito ng mga Program Focal Person at Division Chiefs galing sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON.

Ayon kay Bryan Katigbak, Public Relations Officer II ng DA, layunin ng conference na maiparating sa publiko—lalo na sa mga magsasaka at mangingisda—ang mga programang makakatulong sa kanila. Umaasa ang DA na magiging tulay ang media para maipakita sa taumbayan ang mga ginagawa ng ahensya para sa sektor ng agrikultura.
Isa sa mga tampok na agenda ay ang siyam na pangunahing programa ng DA para sa rehiyon. Kabilang dito ang high value crops, livestock, food safety, urban at peri-urban agriculture, at organic farming.

Itinampok rin ang Farmer and Fisheries Clustering and Consolidation o F2C2, na layong gawing mas organisado at negosyo-oriented ang mga local producer. Target ng DA na magkaroon ng “Big brother-Small brother” partnership ang malalaki at maliliit na grupo ng mga magsasaka.
Ani Katigbak, gusto rin nilang palitan ang mindset ng farmers—mula sa pagiging simpleng tagapag-ani, layunin ng DA na maging agri-preneurs ang mga ito.
Bukod sa pagbabahagi ng mga programa, napag-usapan din ang isyu sa kapeng barako, na patuloy ang pagtaas ng presyo.
Ayon sa DA, kulang ang supply para sa lumalaking demand, kaya’t tumataas ang presyo. Bilang tugon, patuloy ang kanilang pamimigay ng isang milyong seedlings ng kapeng barako sa mga magsasaka para mapalago ang produksyon.

Pero paglilinaw ng DA, hindi agad mararamdaman ang epekto nito, dahil kailangang maghintay muna na tumubo at mamunga ang mga bagong tanim.
Dagdag pa nila, isinusulong din ngayon ang rehabilitation ng mga lumang puno ng kape upang muling mapakinabangan.
Sa kabila ng mga hamon, nananatili ang layunin ng DA na palakasin ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at tiyaking sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain para sa lahat. | via A.Simara,BChannel NEWS