Buong ipinagmamalaki ng bansa ang ilang estudyante ng BS Chemical Engineering mula sa Batangas State University – The National Engineering University matapos magwagi ng 1st Place Grand Prize sa 2025 AAPG Sustainable Development in Energy Competition na ginanap sa Oklahoma, USA nitong June 19.
Sila ang kauna-unahang Filipino team na nagwagi sa naturang global event, na sinalihan ng 38 top university teams mula sa iba’t ibang bansa gaya ng India, Mexico, Colombia, at Indonesia.
Ang team na tinawag na CH4GEN1 ay bumida sa kanilang imbensyong Modular & Mobile Food Waste Digester—isang system na ginagawang biomethane at biofertilizer ang kitchen at community food scraps.
Bukod sa grand prize na $5,000, kinilala rin sila sa iba’t ibang parangal tulad ng Top Proposal Award, Precision Partner Award, at Voice of the Lab Award.
Pinangungunahan ang team nina MJ Rivera, Joshua Angue, Kayla De Torres, at Nessa Lane Latonio, sa gabay ng kanilang mentor na si Assoc. Prof. Rhonalyn V. Maulion.
Ayon sa BatStateU President Dr. Tirso Ronquillo, ito ay patunay ng husay at talino ng Pilipino sa larangan ng siyensiya at inobasyon.
Ang Batangas State University ay kinikilalang National Engineering University ng bansa, at patuloy na nangunguna sa mga sustainable at makabagong solusyon para sa kinabukasan. | via JMPamintuan, BChannel NEWS