Isang banggaan sa pagitan ng dalawang barko ang naitala ngayong umaga sa karagatang sakop ng Port of Lucena, Barangay Talao-Talao.
Alas-7 ng umaga, bumangga ang MV Peñafrancia VI—na papuntang Balanacan Port, Marinduque—sa FV Sr. Fernando II, na kagagaling lang sa Tayabas Bay. Nagkasalubong ang dalawang sasakyang-pandagat habang isa’y papalabas at ang isa’y papasok sa breakwater ng Lucena.
Agad na nagresponde ang Philippine Coast Guard-Lucena Sub Station. Pinabalik nila ang MV Peñafrancia VI sa pantalan para sa imbestigasyon. Inilikas at inilipat sa MV Peñafrancia IX ang 82 pasahero at 18 crew para sa medical check-up at cargo inspection.
Ang FV Sr. Fernando II naman ng FA III Sea Fishing ay may 16 crew members kabilang ang kapitan. Ligtas ang lahat at walang nasaktan sa insidente.
Sa inspeksyon, nasira ang starboard bow at ramp ng MV Peñafrancia VI habang may damage sa harapang bahagi ang FV Sr. Fernando II. Wala namang naganap na oil spill o leak sa ilalim ng tubig, kaya’t hindi ito banta sa kaligtasan ng mga barko.
Parehong nagsumite ng pahayag ang mga crew, at nagkasundo ang mga may-ari ng barko na ayusin ang pinsala nang maayos. Bandang 12:25 ng tanghali, nakabiyahe na patungong Marinduque ang MV Peñafrancia IX, sakay ang mga inilikas na pasahero. | BChannel NEWS