Isang driver ang nabiktima ng holdap at carnapping pasado alas-singko ng hapon, Hulyo 3, 2025, sa Brgy. Paliparan 3, Dasmariñas City, Cavite.
Ayon sa Dasmariñas CCPS, bandang alas-diyes y medya ng gabi nang personal na mag-report sa himpilan ang biktima na si Terry, 33 anyos, residente ng GMA, Cavite.
Kwento ng biktima, pinick-up niya ang dalawang pasahero sa Anabu 2F, Imus City na nag-book sa Grab app, patungong Paliparan 3. Pagsapit sa destinasyon, tinutukan siya ng baril ng dalawang suspek at inutusan na lumipat sa likod ng sasakyan. Pero agad siyang nakatakas at humingi ng tulong sa mga tao sa paligid.
Tinangay ng mga suspek ang kanyang kotse na may plakang DBQ6230, at tumakas patungong Brgy. Salawag. Nawala rin ang halagang P8,000 cash, ilang ATM cards, pati ang kanyang driver’s license.
Nakilala ang isa sa mga suspek na si Ronnel habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pa. | BChannel NEWS