Umakyat na sa 24 katao ang nasawi matapos ang matinding pagbaha sa Texas, USA.
Isa sa pinakatinamaan ang isang Christian summer camp, kung saan 25 batang babae ang iniulat na nawawala mula sa mahigit 750 campers sa Camp Mystic, malapit sa Kyrrville town, sa hilagang-kanluran ng San Antonio.
Dahil dito, puspusan ang search and rescue operations gamit ang helicopters, drones at mga bangka. Biglaang tumaas sa 26 feet ang tubig sa Guadalupe River sa loob lamang ng isang oras, dahilan para tangayin ang mga mobile homes, sasakyan at holiday cabins sa gitna ng pagdiriwang ng July 4 US Independence Day.
Nagdeklara na ng state of calamity ang mga awtoridad sa ilang bahagi ng Hill Country at Concho Valley, dahil sa mga nasirang kalsada at bumagsak na linya ng komunikasyon.
Tinawag naman ni US President Donald Trump ang trahedya bilang “shocking” at “terrible”. Nangako rin ang White House ng karagdagang tulong para sa mga nasalanta ng pagbaha. | BChannel NEWS