Itinalaga bilang bagong pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) si Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa sa ginanap na halalan nitong Sabado, Hunyo 22, kasabay ng unang araw ng ika-130 Plenary Assembly ng mga obispo sa Anda, Bohol.
Si Garcera, 66-anyos, ay kasalukuyang kinatawan ng Southeast Luzon sa CBCP Permanent Council at hahalili kay Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan, na magtatapos ng kanyang ikalawang termino sa Nobyembre ngayong taon.
Nagsisilbi si Garcera bilang Arsobispo ng Archdiocese of Lipa mula pa noong 2017, na may higit 3.3 milyong Katoliko. Dati na rin siyang namuno sa CBCP Commission on Mission at Commission on Family and Life. Bago naging obispo, nagsilbi rin siya bilang assistant secretary general ng CBCP at national director ng Pontifical Mission Society.
Samantala, si Archbishop Julius Tonel ng Zamboanga ang nahalal bilang vice president. Siya ang papalit kay Bishop Mylo Hubert Vergara ng Pasig, na matatapos din ang termino ngayong Nobyembre.
Si Tonel ay dating Obispo ng Ipil at kasalukuyang pinamumunuan ang CBCP Committee on Bishops’ Concerns.
Opisyal nilang sisimulan ang kanilang bagong tungkulin sa Disyembre 1, 2025. Ang termino ng mga opisyal ng CBCP ay dalawang taon, at maaaring ma-reelect para sa isa pang termino. | BChannel NEWS