Aabot sa P32 milyong halaga ng ipinagbabawal na vape products ang nasabat ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF) sa isinagawang operasyon sa Biñan City, Laguna.
Tatlong suspek na kinilalang sina Kert Lester Simbajon, Javer Dirampatun, at Romeo Cada ang naaresto dahil sa paglabag sa RA 11900 o ang Vape Regulation Law at Cybercrime Prevention Act.
Batay sa imbestigasyon, natunton ng mga ahente ang online bentahan ng mga hindi rehistradong vape gamit ang cyber monitoring at surveillance. Nakumpirma ang bentahan sa isang vape shop sa Bacoor, Cavite, kaya nagsagawa ng test-buy operation.
Sa mismong transaksyon noong July 7, dinala ng mga suspek ang mga NBI agent sa isang bodega sa Rose Village, Sta. Rosa kung saan tumambad ang 40,500 piraso ng vape at halos 4,000 vape pods.
Kasama ang DTI, isinagawa ang operasyon at agad na isinailalim sa inquest proceedings ang mga suspek. | BChannel NEWS