Nasakote ng Taytay Police at PDEA ang tatlong drug suspect sa buy-bust operation sa Blk. 31, San Lorenzo Ruiz, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal pasado ala-una ng madaling-araw ng Linggo, Hulyo 6.
Kinilala ang mga suspek na sina “Bibidu”, 26 anyos at HVI; “Balong”, 30, at “Pusa”, 37 — pawang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.
Unang nahuli si “Bibidu” matapos bentahan ng shabu ang poseur buyer. Narekober sa kanya ang tatlong sachet ng droga.
Nahuli rin sina “Balong” at “Pusa” na umano’y parokyano ni Bibidu. Nakuha kay Balong ang isa pang sachet ng shabu, isang baril, bala, at pera. Habang si Pusa ay nahulihan rin ng shabu.
Tinatayang P1.02 milyon ang halaga ng limang sachet ng shabu na nakumpiska. Kasama rin sa mga narekober ang drug paraphernalia, buy-bust money, cellphone, at isang kalibre .22 na baril.
Sa ngayon, nakakulong na ang mga suspek sa Taytay Fishport Custodial Facility at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591. | BChannel NEWS