Isang grupo ng mangingisda ang nanawagan sa gobyerno matapos bumagsak ang presyo ng tawilis sa P100 per kilo mula sa dating P250.
Ayon sa grupong Pamalakaya, ito’y dahil sa mga ulat na may mga bangkay umano ng nawawalang sabungero na itinapon sa Taal Lake.
Ayon kay Fernando Hicap ng Pamalakaya, nag-aalangan na ang publiko na bumili ng isda mula sa lawa kahit nilinaw ng BFAR na ligtas pa ring kainin ang mga huli mula rito.
Dagdag pa niya, lubhang nalulugi ang mga mangingisda dahil sa sobrang baba ng bentahan, lalo’t ilang linggo na ring apektado ang kanilang kabuhayan ng masamang panahon.
Hiling nila sa Department of Agriculture at BFAR na bilhin direkta ang mga produkto ng mga mangingisda at hikayatin ang publiko na muling tangkilikin ang isdang Taal.
Para sa mga mangingisda ng Taal, hindi lang presyo ang nakataya — kundi ang kabuhayan ng buong komunidad. | BChannel NEWS