Isang lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang kaniyang backrider sa isang banggaan sa pagitan ng isang fuel tanker truck at motorsiklo sa Diversion Road, Barangay Balagtas, Batangas City nitong Biyernes ng gabi, July 11.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Batangas City Police Station, pasado alas-siyete ng gabi nang bumangga ang isang motorcycle sa harapang kaliwang bahagi ng fuel tanker.
Ayon sa mga awtoridad, nag-counterflow umano ang motorsiklo kaya direktang sumalpok sa truck na nasa tamang linya ng kalsada.
Sa lakas ng salpukan, parehas nagtamo ng malubhang sugat at galos ang dalawang sakay ng motor at dinala sa Batangas Medical Center.
Dead on Arrival ang rider na si John Wayne, 24-anyos habang patuloy na ginagamot ang angkas nito.
Kinilala naman ang truck driver na si Rogelio, 44-anyos, residente ng Bustos, Bulacan. Walang naitalang sugat sa kaniya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa aksidente. | BChannel NEWS