Nagpahayag ng pag-aalala ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa insidente ng pagkasira ng bahura malapit sa Pag-asa Island matapos ang pag-angkla ng isang Chinese vessel noong June 7, 2025.
Ang barko na may bow number 16868 ay naiulat na na-stranded sa mababaw na bahagi ng dagat sa Pag-asa Reef 1, nasa 2.6 kilometro lang mula sa isla. Tumagal ito ng halos tatlong oras bago tuluyang nakaalis nang walang tulong. Kasunod nito, sinamahan ito ng China Coast Guard at dalawang iba pang Chinese vessels paalis ng lugar.
Bagamat hindi direktang sumadsad sa coral reef, ang pag-angkla ng barko ay nagdulot ng seryosong pinsala sa paligid ng bahura.
Ayon sa NTF-WPS, kasabay ito ng sunod-sunod na presensya ng Chinese Maritime Militia at Coast Guard sa karagatan ng Pag-asa — bagay na patuloy na nagdudulot ng pangamba.
Pinuri rin ng task force ang maagap na ulat mula sa isang mangingisda na naging susi sa pagbabantay sa ating likas yaman. Giit ng NTF-WPS, suportado nila ang panukalang reef rehabilitation at pagpapanagot sa mga responsable, ayon sa batas ng Pilipinas.
Layunin nilang protektahan ang West Philippine Sea, ang kalikasan, at ang kabuhayan ng mga komunidad sa paligid nito. | BChannel NEWS