Usap-usapan sa social media ang naging post at paghanga ni Senator Panfilo Lacson kay Batangas 1st District Congressman Leandro Leviste matapos pangunahan ang isang police entrapment operation laban sa isang district engineer ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa Batangas.
Ayon kay Lacson, nagtangkang mag-alok ang suspek kay Cong Leviste ng hanggang tatlong daan at animnapung milyong piso kapalit ng pabor sa mga proyekto.
Ayon naman kay Cong Leviste, agad niyang itinuro sa mga otoridad ang tangkang suhulan matapos ialok ang malakihang halaga.
Ayon pa sa ulat, nag-alok ang opisyal ng DPWH ng 5 hanggang 10 % “cut” o katumbas ng P180 milyon hanggang P360 milyon mula sa P3.6 bilyong proyekto kapalit ng pagtigil sa imbestigasyon. Mas malaki pa umanong porsyento ang ipinangako para sa mga proyekto sa 2026.
Naglatag pa ang engineer ng P3.6 milyon cash at pangakong dagdag na P15 milyon kinabukasan.
Dahil dito, naaresto ang opisyal ng DPWH sa Taal Batangas noong Biyernes, August 22. Nakuha sa kaniya ang bag na puno ng pera at listahan ng mga proyekto.
Samantala, nagpahayag ng pagsaludo si Senator Lacson kay Leviste, “My snappy salute to Cong. Leviste. May his tribe increase.”
Sa ngayon, wala pa rin nilalabas na pahayag ang DPWH Batangas ukol sa naging entraptment operation sa kanilang opsiyal.