Sinuspinde ng National Police Commission o Napolcom ng 90 days si dating CIDG Director Brigadier General Romeo Macapaz.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, kinasuhan si Macapaz ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer matapos umanong pekein ang kaso laban sa whistleblower na si alyas Totoy kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungeros.
Sa reklamo ni Elakim Patidongan, sinabi niyang kinuha umano ni Macapaz ang cellphone nilang magkapatid na si Jose Patidongan at SD card na may mahahalagang ebidensya, at tinanggal pa ang ilang mensahe sa mga ito nang walang sapat na dahilan.
Giit ng Napolcom, sapat ang ebidensiyang magpapatunay ng mabigat na paglabag at posibleng pakikipagsabwatan sa mga sangkot sa pagkawala at pagpatay ng ilang biktima.
Ang reklamong ito ay kaugnay pa ng mga nakabinbing kaso laban sa ilang pulis na sangkot din sa imbestigasyon ng nawawalang sabungero.
Nilinaw ng Napolcom na ang suspensyon ay pansamantalang hakbang upang maprotektahan ang imbestigasyon at hindi pa pinal na hatol sa kaso ni Macapaz.