Nauwi sa pananaksak ang away ng dalawang magkapatid sa Brgy. 24, Batangas City kagabi.
Ayon sa Batangas City Police Station, bandang alas-6:30 ng gabi ng Agosto 27, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang magkapatid na sina Elmer, 35 anyos, at Obal, 37 anyos, sa loob mismo ng kanilang bahay dahil umano sa bayad sa kuryente.
Sa gitna ng kanilang alitan, kinuha ng suspek na si Obal ang isang kitchen knife at sinaksak si Elmer sa kaliwang braso.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa barangay tanod na naka-duty, dahilan upang maaresto ang suspek at makumpiska ang ginamit na patalim.
Samantala, patuloy na nagpapagaling si Elmer habang nahaharap naman sa kasong attempted homicide ang kanyang sariling kapatid na si Obal, na isang fish vendor at residente rin ng naturang barangay. | via BChannel NEWS