Umamin ang presidente ng Centerways Construction and Development Inc. na si Lawrence Lubiano na siya mismo ang nagbigay ng P30 milyong donasyon para sa senatorial campaign ni Senate President Francis “Chiz” Escudero noong 2022.
Sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa flood control projects, inamin ni Lubiano na personal niyang pera ang ginamit sa donasyon at hindi galing sa kanilang kumpanya. Giit niya, wala siyang ibang sinuportahang kandidato maliban kay Escudero.
Kinumpirma naman ni Senate President Escudero na kabilang si Lubiano sa kanyang campaign contributors, ngunit itinanggi nito na siya ay nakialam o nagbigay ng pabor sa mga kontrata ng kumpanya sa gobyerno.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa P100 bilyon mula sa flood control projects ang napunta sa 15 contractors, kabilang ang Centerways Construction.
Ayon sa Omnibus Election Code, bawal ang campaign contributions mula sa mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno. Gayunpaman, iginiit ni Lubiano na ang donasyon ay mula sa kanya bilang isang indibidwal at hindi bilang kinatawan ng kanilang kumpanya.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Kongreso sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.