Magbubuo ng isang independent commission si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang imbestigahan ang mga iregularidad sa Department of Public Works and Highways.
Ayon sa Pangulo, kahit sa panukalang 2026 national budget ay lumalabas pa rin ang mga anomalya kaya’t kinakailangang linisin ang sistema.
Sa panayam nitong Lunes, Setyembre 1, sinabi ni Marcos na ang bagong komisyon ang magsisilbing investigative arm ng gobyerno.
Bubuuin ito ng mga abogado, piskal, at forensic experts na siyang magsisiyasat sa mga ulat ng katiwalian at magrerekomenda kung dapat isampa sa DOJ o Ombudsman ang kaso.
Dagdag pa ng Pangulo, wala pang pinal na bilang ng mga miyembro at chairman, ngunit tiniyak niyang magiging independent at competent ang mga uupo rito.
Matatandaang una nang naglabas si Marcos ng Executive Order No.1 noong 2022 nang siya ay maupo bilang Pangulo, kung saan binuwag ang Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na itinatag noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. | BChannel News