Isang 69-anyos na lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng kanyang bayaw sa Sitio Centro 2, Barangay Nagsaulay sa San Juan, Batangas nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng San Juan Police Station, naglalakad lang ang biktima nang biglang pagbabarilin agad ng suspek.
Ayon sa testigo, narinig ang putok ng baril at nakita ang biktima na duguang nakahandusay habang ang suspect ay tumatakbong papunta ng Brgy. Bulsa. Nabatid na itinapon pa ng suspek ang ginamit na baril habang tumatakas sa masukal na bahagi ng kagubatan.
Agad nagresponde ang mga imbestigador at pulisya sa lugar at nagsagawa ng hot pursuit operation. Sa tulong ng barangay officials ng Nagsaulay at Bulsa, at suporta ng kalapit na police stations, naaresto ang suspect sa Sitio Lipote, Brgy. Bulsa, sa loob lamang ng anim na oras matapos ang insidente.
Kasalukuyan nang nasa San Juan MPS ang suspect para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang nagpapatuloy ang teknikal na imbestigasyon ng Batangas Provincial Forensic Unit upang makakalap pa ng ebidensya.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagseselos umano ang suspek dahil inaakusahang minamanyak diumano ng biktima ang kanyang asawa.
Ayon kay PCOL Sibalo, naging posible ang mabilis na pagkakaaresto dahil sa sama-samang aksyon ng San Juan Police, Batangas 1st PMFC, drone team, TMRU, barangay officials ng Nagsaulay at Bulsa, at iba pang kalapit na himpilan ng pulisya. | BChannel News