Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard Batangas, PDEA Seaport Interdiction Unit, at Coast Guard K9 Unit ang tinatayang ₱272-milyong halaga ng hinihinalang iligal na droga sa Batangas Port nitong Setyembre 16.
Natuklasan ang kontrabando na nakatago sa loob ng apat na audio speaker mula sa isang private vehicle na minamaneho ng 30-anyos na lalaki mula Cotabato City.
Naging kahina-hinala ang kanyang kilos sa pagbubuhat ng isa sa mga speaker kaya isinailalim ito sa K9 paneling na agad nagpositibo. Sa masusing inspeksyon, tumambad ang ilang kahon ng droga na itinago sa loob ng mga speaker.
Nakakumpiska ang mga awtoridad ng lahat ng ebidensya na agad dinala sa PDEA National Headquarters sa Quezon City para sa pagsusuri. Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PDEA ang suspek at haharap sa kasong paglabag sa anti-drug laws.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matibay na ugnayan ng mga ahensya para labanan ang pagpasok ng iligal na droga sa mga pantalan at para sa kaligtasan ng publiko. | BChannel News