Patay ang isang lalaki matapos hampasin ng maso sa ulo ng kanyang kasama sa bahay habang natutulog sa Barangay Dayap, Nasugbu Batangas pasado alas-kuwatro ng hapon, Setyembre 22.
Batay sa imbestigasyon ng Nasugbu Municipal Police Station, natutulog ang biktima na si Primo nang bigla siyang hampasin sa ulo ng suspek na si Catalino. Isinugod pa sa Ospital ng Nasugbu ang biktima pero bandang alas-otso ng gabi, idineklara siyang dead on arrival.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek pero agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis. Sa mabilis na aksyon ng Nasugbu PNP, naaresto rin sa parehong barangay ang suspek at narekober ang ginamit na maso. Inaalam pa ang motibo sa pagpatay.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Nasugbu Police si Catalino at haharap sa kaukulang kaso na agad isasampa sa Provincial Fiscal’s Office.
Ayon kay Acting Provincial Director PCOL GEOVANNY EMERICK A SIBALO, mananatiling prayoridad ng pulisya ang kaligtasan ng mamamayan at titiyakin na ang mga may sala ay mananagot sa batas. | BChannel news