Magiging mas mahigpit ang ilang senador laban sa muling pagbuhay ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP sa 2026 national budget.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi na dapat ibalik ang AKAP dahil nagdodobli ito sa Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS, at mismong Commission on Audit na rin ang nag-ulat na redundant ang programa.
Giit ni Gatchalian, dapat sa AICS na lang ilaan ang pondo para mas matugunan ang mga pangangailangan ng mahihirap na pamilya. Suportado rin ito ni Senator Erwin Tulfo na nagsabing “doble-doble lang” kung itutuloy pa ang AKAP.
Bukod dito, binatikos ng mga senador ang mahigit PHP140 bilyong bawas sa pondo ng Department of Social Welfare and Development mula sa orihinal na hiling na P362 bilyon, na ngayon ay nasa P221 bilyon na lamang. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, malaking bahagi ng bawas ay galing sa protective services, kabilang na ang pagkawala ng AKAP at pagbawas sa pondo ng AICS at Sustainable Livelihood Program.
Binalaan ni Tulfo na posibleng maapektuhan ang kakayahan ng DSWD na tumugon sa mga pang-araw-araw na krisis ng mahihirap na pamilya. Kaya iminungkahi niyang ilipat ang bahagi ng pondo ng DPWH flood control projects papunta sa AICS at livelihood programs.