Naghahanda na ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP para sa posibleng epekto ng Severe Tropical Storm “Opong.”
Kasama sa kanilang hakbang ang pagtiyak sa maayos na komunikasyon, sapat na materyales para sa agarang pagkukumpuni, at ang paglalagay ng mga line crews sa mga estratehikong lugar.
Ayon sa NGCP, bahagi ito ng kanilang Integrated Disaster Action Plan para mapanatili ang maayos na operasyon at agarang pagtugon kung sakaling maapektuhan ang transmission facilities.
Layunin ng NGCP na masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa gitna ng inaasahang masamang panahon.
Sa ngayon, patuloy ang paglakas at paglapit ng Severe Tropical Storm Opong sa silangang bahagi ng bansa.
Huling namataan ang sentro nito kaninang alas-10 ng umaga, nasa layong 335 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro kada oras at bugso na 135 kilometro kada oras, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Bicol Region at Eastern Visayas, habang Signal No. 1 naman sa Metro Manila, CALABARZON, Central Luzon, at ilang probinsya sa Visayas at Mindanao.
Posibleng magdala ng malakas na ulan, pagbaha at storm surge si Opong habang papalapit sa kalupaan at maaaring mag-landfall bukas sa Bicol Region. | BChannel news