Ibinunyag ni Senator Francis Escudero na may nagaganap umanong “sarsuela” o palabas na pinaplano ni Ferdinand Martin Romualdez upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung kinasasangkutan ng ilang mambabatas sa Kamara, partikular sa kontrobersiyang may kinalaman sa flood control projects.
Sa kaniyang privilege speech sa Senado, sinabi ni Escudero na napansin niyang paulit-ulit na binabanggit ng mga testigo ang pangalan ng ilang senador kahit walang matibay na ebidensya na nagsasangkot sa kanila.
Ayon sa senador, layunin nitong ipako sa media ang mga senador upang mawala ang pansin ng publiko sa mga kongresistang tunay umanong sangkot sa anomalya.
Dagdag pa niya, iisang tao lamang umano ang nasa likod ng planong ito — si House Speaker Romualdez mismo.
Aniya, “Bakit tila walang gustong magsabi ng pangalan niya? Pwes, ako na — si Martin Romualdez.”
Inakusahan din ni Escudero ang dating Speaker na ginamit ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte bilang taktika upang mapabilis ang paglabas ng pondo mula sa tinatawag na “for later release” o FLR, bago umano sumapit ang halalan.
Alam daw ni Romualdez na hindi ito aabot sa pagtalakay ng Senado hanggang Hunyo, ngunit itinulak pa rin ito bilang paraan para sa kanyang interes.| BChannel news