Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang proposed ₱6.793-trillion national budget para sa 2026 ay malinis, walang anomalya at walang congressional insertions.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, gusto ng Pangulo na siguraduhin na tama ang alokasyon ng pondo at nakatuon sa mga programang makikinabang ang taumbayan.
Ito ay matapos muling mabanggit ang isyu ng halos ₱100-bilyong alleged insertions sa 2025 budget na kinuwestyon ni dating senador Panfilo Lacson.
Binigyang-diin ni Castro na tutol si Marcos sa anumang insertions lalo na’t may imbestigasyon pa kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
Dagdag niya, malinaw ang babala ng Pangulo—hindi siya magdadalawang-isip na i-veto ang 2026 budget kung may makikitang kuwestiyonableng probisyon.
Noong Hulyo, inaprubahan na ni Marcos ang panukalang budget na nakatuon sa economic growth at pag-angat ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino. Kamakailan, iniutos din ng Pangulo na ilipat ang ₱255.55 bilyong pondo mula sa flood control projects ng DPWH patungo sa mas prayoridad na programa ng iba’t ibang ahensya.| BChannel news